Pitongdaan at tatlumpu't siyam (739) na indibidwal mula sa 209 na pamilya ang nasunugan sa Ato Side at Sitio Pinaglabanan, AFPOVAI, Barangay Western Bicutan, Taguig City kahapon, Hunyo 13, 2026.

News Image #1


Ang mga nasunugan ay dinala sa 3 evacuation areas, ayon kay Barangay Western Bicutan Administrator Matt Bermas, sa panayam ng Taguig.com.

May mga pamilyang nasa Sitio Kaunlaran Chapel, Sitio Pinaglabanan Chapel, at sa Sitio Pagkakaisa Multi Purpose.

News Image #2


Ang mga naapektuhan ay mula sa edad 0 hanggang senior citizens. Walang nasawi o nasaktan sa sunog.

Nagtungo na sa evacuation areas si Taguig City Mayor Lani Cayetano upang personal na alamin ang kalagayan ng mga nasunugan at maghatid ng tulong.

News Image #3


Nagsimula ang sunog ng 9:37 AM at ganap na napatay ng pasado alas 3:00 PM ayon kay Bermas.

Tumulong sa pagpatay ng sunog ang Bureau of Fire Protection, Philippine Air Force, Philippine National Police, mga barangay fire brigade ng Taguig, at ang mula sa mga kalapit lungsod na Pasig, Pateros, Pasay, Parañaque, Mandaluyong at Manila.

News Image #4


"Ang ating Pamahalaang Barangay at Pamahalaang Lungsod ng Taguig ay nasa proseso na ng pagbibigay ng agarang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog," ang pahayag ng Barangay Western Bicutan sa kanilang social media page.