Walong libong pisong buwanang allowance, tulong sa matrikula na P40, 000 sa bawat academic year sa mag-enroll sa pribadong unibersidad at kolehiyo, P 10, 000 para sa learning materials at transportasyon, P10, 000 thesis allowance at mayroon pang roundtrip ticket para sa mga magmumula sa probinsiya ang matatanggap ng magiging iskolar ng Department of Science and Technology (DOST) - Science Education Institute (SEI).

Halos 97, 000 na mga Grade 12 students sa buong Pilipinas ang kumuha ng pagsusulit para sa DOST -SEI 2024 Undergraduate Scholarships Qualifying Examination na isinagawa sa 205 testing centers noong Abril 6 at 7, 2024.

News Image #1


Ang bilang ng mga nag-eksamin ngayong taon ay tumaas ng 20% kumpara noong isang taon na 79, 585 ang kumuha ng pagsusulit. Sampung libo lamang ang kukuning iskolar para sa 2024.

Sa ngayon ay may 40, 000 iskolar nang sinusuportahan ang DOST-SEI para sa kanilang pag-aaral ng mga kursong may kinalaman sa siyensya at teknolohiya.

Ang mga papasa sa eksamin ay kailangang kumuha ng Bachelor of Science (BS) degree program sa anumang prayoridad na larangan ng siyensya at teknolohiya sa isang state university o college o anumang pribadong higher education institution na kinikilala ng Commission on Higher Education bilang Center of Excellence o Center of Development o may Federation of Accrediting Agencies of the Philippines Level III accreditation para sa degree program na papasukan ng isang nag-qualify sa scholarship.

Ang listahan ng priority S&T programs ay nasa DOST-SEI website: www.sei.dost.gov.ph.

Patuloy na tinutulungan ng DOST-SEI ang mga scholars kaya't ang dating buwanang allowance ng mga undergraduate scholars na P7, 000 ay itinaas nila sa P8, 000 ngayong 2024. Ang mga nagma-master's naman ay ginawang P30, 000 mula sa dating P25, 000. At ang nag-pi-PhD ay binibigyan ngayon ng P38, 000 mula sa dating P33, 000.

Ang mga makakapasa sa 2024 DOST-SEI Undergraduate Scholarships ay i-a-anunsyo sa Hunyo o Hulyo ng taong ito sa official website ng DOST-SEI, social media page nito at sa mga malalaking pahayagan.

(Larawan mula sa DOST-SEI)