Isang 37 taong gulang na lalaking taga-Barangay Pembo, Taguig City ang nahulihan ng P741, 880 halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa isang buy-bust operation sa Pasay City kahapon, Abril 17, 2024.

Nagpanggap na bibili ng droga ang isang otoridad kay alyas Boss, residente ng San Agustine Street, Barangay Pembo habang sila ay nasa kanto ng Buendia Avenue at Roxas Boulevard, Barangay 76, Pasay City bandang alas 12:30 ng tanghali.

News Image #1


Sinabi ni Pasay Police Chief Colonel Mario Mayames na dati pa sinusubaybayan si alyas Boss at natiyempuhan ito sa buy-bust operation na isinagawa ng Pasay City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Miyerkules.

Nakumpiska kay alyas Boss ang 109.1 na gramo ng shabu, isang cellular phone, 69 na piraso ng P1, 000 na boodle money at isang motorsiklo.

Kinasuhan si alyas Boss ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakadetine ito ngayon sa Southern Police District (SPD) Custodial Facility.

Ang nakumpiska namang shabu ay nasa SPD Forensic Unit na para sa kaukulang pag-aanalisa.

(Larawan mula sa SPD)