Hindi na nagtagal sa Detention Facility ng Bureau of Immigration (BI) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang isang 60 taong gulang na Amerikanong akusado sa panloloko sa Medicare sa Estados Unidos na umabot sa $1.2 bilyon.

News Image #1

(Larawan ng BI)

Katuwang ang Federal Bureau of Investigation (FBI), naaresto ng BI ang suspek na si Herbert Leon Kimble sa isang commercial area sa Pasig City noong Hunyo 11, 2026.

Ito ay makaraan ang 2 taong pagtatago ni Kimble sa Pilipinas.

Si Kimble ay inaakusahang may kinalaman sa isang sopistikadong panloloko sa Medicare ng $1.2 bilyon sa pamamagitan ng orthopedic braces.

Ini-scam ni Kimble ang health insurance program ng pamahalaan ng Amerika sa pamamagitan ng pagbebenta at distribusyon ng hindi naman kinakailangang orthopedic braces at ikinakarga sa Medicare.

Si Kimble ay may federal arrest warrant na ipibalabas ng United States District Court sa South Carolina at ngayon ay nasa kustodiya na ng FBI sa Estados Unidos.

"The Philippines will not serve as a sanctuary for fugitives seeking to evade justice in their home countries. These arrests demonstrate our commitment to working closely with international law enforcement partners to ensure that foreign nationals who pose a threat to public safety are located, arrested, and removed from our communities," ang pahayag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Dineport si Kimble noong Hunyo 18, 2026 at nasa blacklist na ng BI.