Apat na estudyanteng namumuhay na may kapansanan ang nagwagi ng tig-₱10, 000, plake, at iba pa sa isinagawang kauna-unahang Local I.T. Challenge 2024 for Youth with Disabilities sa Lakeshore Activity Center noong Abril 4, 2024.

News Image #1


Sa Intellectual Learning Disability Category, namayani si John Emmanuel V. Bayani ng Taguig Science High School.

Sa kategorya naman ng Visual Disability, nagwagi si Anica Myiel H. Timogtimog ng Taguig Science High School.

Samantala, sa Orthopedic Disability Category, nanalo si Jamal M Alih ng Taguig National High School.

At sa Deaf/Hearing Disability Category, namayani si Kyla Lorraine P. Carcido ng Western Bicutan National High School.

Ang iba pang mga estudyante ay binigyan ng ₱2, 000 na consolation prize, certificate at tote bag na may freebies.

News Image #2


Ang mga nanalo sa bawat kategorya ang kakatawan sa Taguig City sa National IT Challenge for Youth with Disabilities 2024 na isasagawa sa Manila ngayong Abril.

Tatlumpu't tatlong mga estudyanteng may kapansanan na kumatawan sa kanilang mga eskwelahan sa Taguig City ang lumahok sa naturang kumpetisyon. Ang mga batang lumahok ay may kapansanan sa paningin, pandinig, orthodedic at may intellectual o learning challenges.

News Image #3


Layunin ng kumpetisyon na palutangin ang kahusayan ng mga estudyanteng may disabilities sa larangan ng information and communication technology (ICT) skills sa pamamagitan ng practical assessments.

Ang proyektong ito ay sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod ng Taguig, Department of Education Taguig-Pateros Division (DepEd TaPat) at ng National Council on Disability Affairs (NCDA).

Tatlong assessments ang kinaharap ng mga lumahok sa kumpetisyon at ito ay ang eLifemap (Web browsing), eTool Excel, at eTool PowerPoint.

Ang mga kakayahan ng mga bata ay tiningnan batay sa pagiging tama at mabilis sa paggamit ng computer.

Sa mensahe ni Taguig City Mayor Lani Cayetano sinabi nitong ang mga talentadong estudyante, kahit may kapansanan, ay may kakayahang maiangat pa ang kanilang kaalaman at magkaroon ng karera sa ICT.

"It is essential to expand connectivity, access information, and develop skills necessary for jobs and starting businesses. Kaya't mahalaga na matutunan ito ng mga estudyante upang sila ay makasabay at makakuha ng mga oportunidad sa kasalukuyan nating lipunan at ekonomiya," ayon sa alkalde.

(Larawan mula sa Taguig PIO)