Nailigtas ng mga bumbero ng Barangay Tuktukan at Griffin Fire and Rescue Volunteers, Inc. ang isang asong nakakadena sa isang bangka malapit sa nasusunog na lugar ng Pulong Kendi, Barangay Santa Ana, Taguig City kagabi, Mayo 25, 2026.

Muntik namang inabot ng apoy ang tatlong unang nagrespondeng fire trucks sa malaking sunog sa naturang lugar.

Sinabi ni Barangay Captain Suranie Ulanday ng Barangay Tuktukan na ang kanilang fire truck ay muntik nang nadilaan ng apoy mula sa mabilis na kumalat na sunog, gayundin ang fire trucks ng Barangay Santa Ana at Barangay Wawa.

"Agarang umabante ang ating team upang mailigtas ang ating truck sa posiblenh sunog o damage," ayon kay Ulanday na kilala rin bilang MamaKap at kasama sa mga bumbero ng Tuktukan.

Gayunman, nasira pa rin ang kanilang supply hose.

"Nang ma-discharge ang battery ng ating pumper, napilitan tayong itulak at ikadyot upang muling mapaandar ang unit. Naubusan ng tubig ang ating unit kaya't nakipag-coordinate tayo sa Griffin Fire and Rescue Volunteers na naglagay ng portable pump sa ilog bilang suction source upang tuloy-tuloy ang supply ng tubig," ayon pa kay Ulanday.