Nahuli agad ng mga tauhan ng Taguig City Police ang isang 42 taong gulang na lalaking nanaksak ng isang babaeng kainuman nito sa harap ng Dragon Smash sa Cayetano Avenue, Barangay Palingon-Tipas, Taguig City nitong Hunyo 21, 2026.
Ayon sa Southern Police District (SPD), makaraang mag-inuman ang dalawa sa Barangay Calzada Tipas, nagpaalam nang uuwi ang biktimang babae kasama ang kanyang anak bandang alas 10:00 ng gabi noong Hunyo 20.
Sinamahan ng suspek ang babae at anak nito pauwi, nang bigla na lamang saksakin ng suspek ang biktima sa kaliwang pisngi na tumagos hanggang sa kaliwang bahagi ng leeg nito.
Isang saksi ang agad na humingi ng tulong sa Barangay Security Force ng Calzada Tipas na humabol sa tumakas na suspek.
(Larawan ng Taguig City Police)
Nang malaman ng mga tauhan ng Taguig City Police Substation 5 ang pangyayari, agad silang rumesponde hanggang sa nahuli ang suspek bandang ala 1:00 ng madaling araw ng Hunyo 21. Nakuha rin ng mga otoridad ang isang kutsilyong pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Ang biktima naman ay dinala sa Taguig-Pateros District Hospital para gamutin.
Pinuri ng SPD sa mga nagrespondeng mga tauhan ng barangay at pulisya at maging ang saksing agad na humingi ng saklolo.
Ang suspek ay ibinigay sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Taguig City Police Station para sa paghaharap ng kaukulang kaso sa Taguig City Prosecutor's Office.
Babaeng Kasama ang Anak, Sinaksak ng Kainumang Lalaking Sumabay Pauwi sa Calzada Tipas | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
