Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon na si Inday (international name: Bavi) kaninang alas 3:00 AM, Hulyo 8, 2026.
Bagaman at hindi ito direktang magla-landfall sa bansa, malaki ang magiging epekto ng hangin at dalang ulan nito sa hilagang (north) na bahagi ng Luzon. Palalakasin din nito ang southwest monsoon o habagat.
Ang sentro ng mata ng Super Typhoon Inday ay namataan kaninang alas 4:00 ng umaga sa 1,405 kilometro silangan ng Northern Luzon.
Ang dala nitong hangin ay may bilis na 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong 230 kilometro kada oras, at kumikilos sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Hanggang 900 kilometro ang lawak ng bagyo.
Mapapanatili ng super typhoon Inday ang lakas nito hanggang bukas, Hulyo 9, at bababa bilang typhoon bukas ng hapon o gabi.
Nakataas na ang Wind Signal Number 1 sa Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, hilaga at gitnang Isabela (Santo Tomas, Aurora, Santa Maria, Quezon, San Mariano, Naguilian, Dinapigue, Roxas, Luna, Delfin Albano, City of Cauayan, San Pablo, Ilagan City, Benito Soliven, Tumauini, Cabagan, Reina Mercedes, San Manuel, Palanan, Cabatuan, Quirino, Divilacan, Gamu, Mallig, Maconacon, Burgos, San Guillermo, Angadanan, Alicia, San Mateo), Apayao, at sa silangang bahagi ng Kalinga (Pinukpuk, City of Tabuk, Rizal), hilagang Aurora (Dilasag), at sa hilaga at gitnang bahagi ng Catanduanes (Pandan, Caramoran, Bagamanoc, Panganiban, Viga, Gigmoto, Baras, San Miguel)
Pinakamalapit ang bagyong Inday sa tuktok ng Northern Luzon sa Biyernes, Hulyo 10, at magtutungo sa katimugang isla ng Japan at sa karagatang nasa hilaga ng Taiwan sa Biyernes, Hulyo 10, 2026.
Tinatayang lalabas sa PAR ang bagyong Inday sa Sabado, Hulyo 11, at magla-landfall sa silangang baybayin ng mainland China sa Linggo, Hulyo 12.
(Mga larawan ng PAGASA)
Bagyong Inday, Pumasok na sa PAR; Hindi Magla-Landfall sa Pilipinas Subalit Magdadala ng Malakas na Hangin at Ulan sa Northern Luzon | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
