Tinanggal na ng Land Transportation Office (LTO) ang bayad sa rehistrasyon ng mga custom-made top box at saddle bag na nakakabit sa mga motorsiklong ipinanghahanapbuhay.
(Larawan ng Taguig.com)
Ayon sa LTO, ito ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, na pagaangin ang buhay ng mga riders na ginagamit ang motorsiklo sa kanilang paghahanapbuhay,
Isang memorandum ang nilagdaan ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao kung saan nakasaad na hindi na mangongolekta ng ₱100 registration fee sa bawat top box o saddle bag, na ikinakabit sa mga motorsiklo.
Sinabi ni Asec. Lacanilao, na "ang patakarang ito ay nakaayon sa 7-Point Policy Agenda ng LTO na nakatutok sa pag-alis ng mga hindi kinakailangang bayarin at pagpapagaan ng pasanin sa pananalapi ng mga mamamayang umaasa sa motorsiklo, na nagbibigay ng ginhawa sa badyet habang pinapanatili pa rin ang mga pamantayan para sa kaligtasan sa kalsada".
Sa kabila nang wala nang bayad, mananatili pa rin ang pagpaparehistro sa LTO ng mga naturang custom-made top box at saddle bag. Ito ay upang matiyak na may angkop ang mga karagdagang kagamitan sa motorsiklo at kung sumusunod sa mga itinakdang pamantayan ng LTO.
Magbibigay ang LTO ng serripikasyon bilang patunay ng pagpaparehistro ng mga custom-made na kagamitan.
Bayad na ₱100 sa Rehistrasyon ng Custom-Made Top Box at Saddle Bag ng mga Motorsiklong Panghanapbuhay, Tinanggal na ng LTO | Taguig Balita
Language: Switch to English
