Natuloy ang Brigada Eskwela na pinangunahan ng pamahalaang lungsod ng Taguig sa mga paaralang nasa Embo barangays kahapon, Agosto 14.

Ito ay sa kabila ng tensyon noong nakaraang Sabado, Agosto 12, dahil sa ulat ng pagte-take over ng mga guwardiya ng Taguig sa 14 na eskwelahang nasa mga barangay sa District 2 ng Makati na sakop ng kautusan ng Korte Suprema.

Tinanggap ng buong puso si
Taguig Mayor Lani Cayetano at ang mga tauhan ng Department of Education ng mga school principals, guro, mga estudyante, magulang at volunteers sa sama-samang paglilinis at pag-aayos ng mga eskwelahang dating nasa pangangalaga ng Makati at ngayon ay nasa Taguig na.

News Image #1


Sinimulan ang Brigada Eskwela ng Taguig sa bago nitong hurisdiksyon sa Makati Science High School sa tulong ng Taguig City Police Station, National Capital Region Police Office, Southern Police District, Bureau of Fire Protection, at mga representante ng iba't ibang grupo at organisasyon sa EMBO barangays.

"Ang layunin ng lokal na pamahalaan ay ang ipahayag ang aming kahandaan na tulungan ang DepEd TAPAT (Taguig-Pateros) upang matagumpay na maidaos ang isang linggong pag-bi-brigada. Ang Brigada Eskwela po ay isang national initiative na pinangungunahan ng Department of Education na may layuning hikayatin ang lahat upang makiisa at maihanda ang mga eskwelahang pampubliko para sa pagbubukas ng paaralan. Sa ganitong paraan ay madadatnan ng mga estudyante na malinis, maayos at kumportable ang mga ito para sa kanila," ang pahayag ni Cayetano sa kanyang talumpati sa Makati Science High School.

News Image #2


Umapela rin si Cayetano sa grupo ng mga magulang at teachers na unawain lamang at magpasensya sa isinasagawang transition.

"Marubdob at masigasig akong makikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Department of Education upang masiguro ko na sa pagbubukas ng school year iyong mga pangamba po ninyo, yung mga agam-agam po ninyo, yung mga katanungan po ninyo, unti unting masasagot, malilinawan, at matutugunan," ayon kay Cayetano.

Nagtungo rin si Cayetano sa
Fort Bonifacio High School at Fort Bonifacio Elementary School para bisitahin ang isinagawang Brigada Eskwela.


Tinanggap din ang mga volunteers ng Taguig na nag-Brigada Eskwela sa Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Benigno "Ninoy" S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio Elementary School, Fort Bonifacio High School, Pitogo Elementary School, Pitogo High School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School at South Cembo Elementary School.

(Mga larawan mula sa Taguig City PIO)