Sagot ng Taguig City ang buong tuition, miscellaneous fees, at ₱15,000 buwanang allowance ng 30 Taguigeñong estudyante sa medisina sa pamamagitan ng INvesting in the Value of Education through Stewardship for Taguigeños (INVEST) Scholarship Program ng lokal na pamahalaan.

News Image #1


Tatlumpung magdo-doktor ang mapalad na napili na unang batch ng INVEST Scholars, na tinawag na Batch Tanglaw, sa isang seremonyang isinagawa sa New Taguig City Hall sa Cayetano Boulevard, Barangay Ususan, Taguig City.

Ang mga INVEST scholars ay nakapasok sa top 10 medical schools sa bansa.

Ang scholarship assistance sa bawat iskolar ng INVEST ay aabot ng ₱590,000 bawat taon depende sa kanilang medical school.

Sinabi ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na matagal nang naniniwala ang lokal na pamahalaan na ang edukasyon ang pundasyon ng pangmatagalang progreso.

News Image #2


"In the City of Taguig, we have always believed that investing in education is investing in the city's foundation. We invest because we believe education transforms lives. We uphold stewardship because every opportunity entrusted by the people comes with a responsibility to serve."

Sinabi pa ng alkalde na ang programa ay inaasahang makakatulong upang ang mga Taguigeñong magiging doktor ang tutulong sa kalusugan ng kanilang kapwa Taguigeño.

Inaasahang magbabalik-serbisyo ang mga magtatapos ng doktor sa pamamagitan ng INVEST kapag nakuha na ang kanilang mga lisensiya.

Bukod sa INVEST scholars, mahigit 130,000 scholars sa may 200 kolehiyo at unibersidad ang kanilang sinuportahan.

Mayroon nang 6,096 lisensyadong propesyonal, kasama ang 88 doktor, na napagtapos ng Taguig City Government.

Napili ang 30 mula sa pagsusuri sa 127 aplikante, batay sa kanilang galing sa pag-aaral, pangangailangang pinansyal at katiyakang magseserbisyo-publiko.

(Mga larawan mula sa social media page ni Mayor Lani Cayetano)