Naghihintay na lamang sa Bureau of Immigration (BI) Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ang isang Chinese national para maipatapon pabalik ng bansa makalipas na maaresto ng Immigration sa operasyon sa Cebu noong Abril 17, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Naaresto si Ma Mingjie, 51 taong gulang, sa Barangay Umapad, Mandaue City noong Abril 17, dahil napag-alamang tumakas ito sa China makaraang takbuhan ang kasong pamemeke at pagkamal ng milyong yuan na halaga ng pera sa ilegal na paraan.


Isang warrant of arrest laban kay Ma ang ipinalabas ng Jiangbei district sub-bureau ng Public Security Bureau sa Chongqing, China noong Disyembre 6, 2017.

Batay sa ulat ng mga otoridad sa China, si Ma at ang mga kasamahan nito ay nameke ng mga bank accounts at account names ng isang point of sale machine merchant na naging dahilan para mailipat ang may 58 milyong yuan o mahigit sa walong milyong dolyar mula sa China Minsheng Banking Corporation patungo sa kanyang bank account.