Update as of April 2, 2024: Nasa ligtas nang kalagayan ang construction worker na nahulog sa ginagawang gusali sa Barangay Upper Bicutan, Taguig City noong Abril 1, 2024.

News Image #1


Ang bakal ay tumagos sa ibabang kaliwang bahagi ng tiyan ng biktima at lumusot sa itaas na kanang bahagi ng dibdib nito.

Napag-alaman na nagta-trabaho sa ground floor ng ginagawang gusali sa A. Bonifacio corner Tangpuz St., Barangay Upper Bicutan, Taguig City ang lalaki bandang alas 11:30 ng umaga nang mahulog ito sa basement level kung saan may nakausling bakal.

May dalawang metro rin ang kinahulugan ng lalaki na agad nirespondehan ng Bureau of Fire Protection - Special Rescue Force (BFP - SRF) at Taguig Rescue.

Ang Barangay Upper Bicutan BDRRMO ang unang nakapunta sa pinangyarihan at agad na nilapatan ng pangunang lunas ang biktima.

Bandang 11:54 ng umaga nang dumating ang BFP - SRF, tiningnan ang sitwasyon at ipinosisyon ang kanilang sarili para mahugot ang construction worker sa kinabagsakan nito.

Sa kabila ng mapanganib ang ginawang pagliligtas, napagtulung-tulungan ng BFP Taguig SRF, EMS Ambu-01, Taguig Rescue (TCDRRMO), at Barangay Upper Bicutan Rescue team na maiahon ang biktima sa kinabagsakan nito makalipas ang mahigit kalahating oras.

Ang construction worker ay dinala ng Taguig Rescue (TCDRRMO) sa Taguig-Pateros District Hospital para magamot.

(Larawan mula sa BFP - Taguig)