Alas 10:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw ang curfew ngayon sa Barangay Lower Bicutan, Taguig City makaraan ang gang riot ng mga teen-agers na naganap sa Ipil-Ipil Street sa naturang barangay noong Agosto 2,, 2025.

News Image #1

(Larawan ni Keeve Boston Fermin na ibinahagi sa Taguig.com)

Sinabi ni Kagawad Aldrin Fermin sa Taguig.com na nag-iikot ang mga tauhan ng barangay sa gabi upang matiyak ang kaligtasan at kapayapaan sa kanilang barangay.

Nilinaw naman ni Kagawad Nickson Paguirigan sa Taguig.com na ang curfew ay para lamang sa mga menor de edad.

Nagresponde ang Taguig City Police Substation 12 sa isang tawag sa 911 noong gabi ng Agosto 2, 2025 dahil sa ulat na may nagkakagulong mga kabataan sa Ipil-Ipil Street. Nakita ng mga ito sa recording ng CCTV sa barangay na ang magkalabang mga grupo ng kabataan, ang True Brown Style 13 (TBS) mula sa Bicol Drive at isa pang grupo sa 5th Street, VP Cruz, ang naglaban-laban bandang alas 8:30 ng gabi.

Nagtungo sa barangay si Col. Byron Allatog, office-in-charge ng Taguig police, upang makipagdayalogo sa mga menor de edad na may kinalaman sa kaguluhan at sa kanilang mga magulang.

Napagkasundo ng Taguig Police ang mga naglalabang grupo at pinaalalahanan ang mga ito sa mga maaaring kaharapin sa batas at sa komunidad ng kanilang pag-uugali.

Ang mga menor de edad na sangkot sa kaguluhan ay ibinigay sa pangangalaga ng Taguig City Social Welfare and Development Office para sa counseling at intervention.

Tiniyak ng Taguig Police na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay upang matukoy ang iba pang mga gang at fraternities na nasa kanilang barangay.

Hinimok din ng Taguig Police ang mga magulang ng mga kabataan na patuloy na tutukan ang kanilang mga anak at gabayan upang hindi mauwi sa masamang impluwensiya.

"Remember: ignorance of the law excuses no one. Let's work together to keep our youth safe and accountable. Report incidents through our official hotlines," ang pahayag ng Taguig City Police. Maaaring i-report ang mga kaguluhan at iba pa sa 911 at iclick lang ang number 1 sa telepono. Maaari rin namang tumawag o mag-text sa 0998.598.7932 o sa (02) 8642.3582.