Dalawang kinse anyos na lalaki at isang 36 na taong gulang na lalaki ang nakumpiskahan ng 51 gramo ng hinihinalang ipinagbabawal na gamot sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng Taguig City Police sa Barangay Rizal, Taguig City.

News Image #1

(Larawan ng Taguig City Government)

Nagpanggap na bibili ng bawal na gamot ng isang ahente ng Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa mga suspek noong Hulyo 6, 2026, alas 7:40 ng gabi, sa Cattleya Street.

Nakumpiska mula sa kinse anyos na tinawag na Child in Conflict with the Law (CICL) ang isang one heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Ang kasama nitong 36 na taong gulang at isa pang kinse anyos na binatilyo ay naaresto rin makaraang pito pang heat-sealed plastic sachets at isang malaking transparent plastic na mayroon ding hinihinalang shabu na nakatago sa isang gray belt bag ang nakuha sa mga ito.

Sa kabuuan ay nasa 51.39 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang PHP 349,452.00 ang nakuha sa mga ito.

Sa ilalim naman ng umiiral na juvenile justice procedures at upang maprotektahan ang kanilang kapakanan, ang mg menor de edad ay dinala sa Bahay Pag-asa para matulungan makapagbagong buhay at upang bigyan ng psychosocial services.

Ang 36 na taong gulang na suspek ay nasa kustodiya ng pulisya at kinasuhan ng Possession of Dangerous Drugs (Section 11, Article II nf Republic Act 9165).