Isang dating estudyante ng mga paaralan sa Taguig City ang nagtapos ng dalawang degrees sa Harvard University sa Estados Unidos, at nakuha pa ang mataas na karangalang Magna Cum Laude with highest honors, sa ika-374 na seremonya ng pagtatapos (commencement exercises) sa prestihiyosong unibersidad nitong Mayo 29, 2025.
Ang 22 taong gulang na si Eion Nikolai Chua ay dating estudyante ng International School Manila at MGC New Life Christian Academy, na parehong nasa Taguig, bago naging iskolar sa Harvard.
Dati rin siyang sumali sa mga international math competitions at nagwagi sa mga ito nang nag-aaral pa sa Pilipinas.
Natapos ni Chua ang double degree sa Chemistry at Economics at may Master's Degree pa sa Chemistry at Chemical Biology sa loob lamang ng apat na taon.
Naging research fellow rin sya sa programa ng Harvard sa Research Science sa Engineering at dalawang beses na naging John Harvard Scholar.
Kasama na si Chua ngayon sa Phi Beta Kappa Honor Society, ang pinakamatandang academic honor society sa Estados Unidos, na itinatag noong 1776.
Sinabi ni Chua na balak niyang bumalik sa Pilipinas upang magpahinga at tingnan ang industriya ng chemistry sa bansa bago bumalik sa Estados Unidos.
Nais din niyang sa pangmatagalang pagbabalik sa Pilipinas ay makapagsimula siya ng negosyo na may kinalaman sa chemistry na makakatulong sa mga tao.
Inihalimbawa niya ang agricultural waste products na maaaring ma-convert bilang bio chemicals para sa mga magsasaka.
(Mga larawan mula kay Benjamin Chua)
Dating Estudyante ng mga Eskwelahan sa Taguig City, Nagtapos ng Double Degree sa Harvard University at Magna Cum Laude Pa | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
