Ipinatapon na palabas ng Pilipinas ang dating asawa ng komedyanteng si Pokwang o Marietta Subong makaraang hilingin niya ito sa Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng pagiging ilegal na dayuhan niyo sa bansa.

Sa isang pahayag ng Immigration, sinabi nitong si Lee O'Brian ay pinalipad na pabalik sa Amerika noong Abril 8, 2024.

News Image #1


Sumakay si O'Brian sa isang Philippine Airline flight patungong San Francisco, USA, makaraang makumpirmang wala na itong naka-pending na kaso sa Pilipinas.

Hindi na makakabalik sa Pilipinas s O'Brian makaraang ilagay na siya sa blacklist ng Immigration.

"As a consequence of his deportation, his name has been included in the BI's blacklist, barring any future attempts to re-enter the country," ayon sa opisyal na pahayag ng Bureau of Immigration.

Noong isang taon, nagsampa si Pokwang ng deportation case at cancellation of visa laban sa dati nitong kapartner na si O'Brian dahil nagsasagawa umano ito ng operasyon sa bansa na walang kaukulang permiso. Si O'Brian ay napag-alamang nagta-trabaho sa iba't ibang produksyon sa bansa nang walang kaukulang work visa o permiso sa Department of Labor and Employment.

Gayundin, tourist visa lamang ang hawak ni O'Brian sa kabila nang walong taon na itong nananatili sa bansa.
Sa kabila ng motion for reconsideration na iniharap ni O'Brian, mas pinanigan ng Immigration ang isinampang kaso ni Pokwang at ipinag-utos ang deportasyon nito dahil sa paglabag sa kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa.

Sina Pokwang at O'Brian ay may isang anak makaraan ang may anim na taon nilang relasyon. Pormal silang naghiwalay noong Hulyo 2022.

(Larawan ng Bureau of Immigration)