Ipinaalala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga gumagamit ng electric bicycles (e-bikes) at electric tricycles (e-trikes), maging ng mga kariton, pedicabs, kuliglig at iba pang magagaang na electric vehicles na hindi na sila puwedeng pumasok sa mga pangunahing daan simula Abril kinse.

News Image #1


Hindi na puwedeng mag-biyahe sa mga sumusunod na lugar ang mga maliliit na electric vehicles: Recto Avenue, Quirino Avenue, Araneta Avenue, Epifanio delos Santos Avenue, Katipunan/C.P. Garcia Avenue, Southeast Metro Manila Expressway, Roxas Boulevard, Taft Avenue, Osmeña Highway or South Super Highway, Shaw Boulevard, Ortigas Avenue, Magsaysay Boulevard/Aurora Boulevard, Quezon Avenue/Commonwealth Avenue, A. Bonifacio Avenue, Rizal Avenue, Delpan Street/Marcos Highway/McArthur Highway, Elliptical Road, Mindanao Avenue, Marcos Highway, Boni Avenue, España Boulevard at iba pang mga daan na ihahayag ng MMDA sa mga susunod na araw..

Ang mga lalabag sa kautusan ay magmumulta ng P2, 500.

Sa Taguig City, ipinatutupad na noong Pebrero pa ang pagbabawal sa mga e-tricycles, de motor na tricycle, pedicab at iba pang magagaang na sasakyan sa pambansang kalsada ng C5 Road, C6 Road at Kalayaan Avenue.

Nilalayon ng kautusan na maiwasan ang mga aksidente at mabawasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada ng Taguig City.

(Larawan mula sa Taguig Traffic Management Office)