Tutulungan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga kwalipikadong non-plantilla government workers na makapasa sa Civil Service Exam (CSE) sa pamamagitan ng karagdagang puntos na ibibigay sa pinal na iskor ng mga ito sa test.

News Image #1


Ayon kay CSC chairman Karlo Nograles, ang mga non-plantilla government workers na may sampung taon na o higit pa sa serbisyo ay maaaring mag-apply sa Career Service Eligibility - Preference Rating (CSE-PR) upang makakuha ng sampung puntos na karagdagan sa kanilang pinal na iskor sa pagsusulit sakaling ang kanilang grado ay nasa pitumpu hanggang pitumpu't siyam punto siyamnapu't siyam na porsiyento na isang bagsak na grado.

Ang pasadong iskor sa CSE ay walumpung porsiyento. Ang CSE ay isang pagsusulit na isinasagawa para magkaroon ng permanenteng posisyon sa gobyerno ang isang manggagawa rito.

Ito ay makaraan namang ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Budget and Management, Department of the Interior and Local Government, Commission on Audit, at sa CSC na isulong pa ang kakayahan at angking galing ng mga contract of service at job order workers sa pamahalaan.

Sinabi ng CSC na kinikilala nila ang dedikasyon at galing ng mga empleyado ng pamahalaan na nagsilbi sa gobyerno ng ilang taon subalit wala lamang ang kinakailangang civil service eligibility kung kaya't hindi mabigyan ang mga ito ng permanenteng posisyon sa pamahalaan.

Sakop ng CSE-PR ang mga JO, COS, Casual, Contractual, at Coterminous, ang mga empleyadong may hawak na Category III at Category IV na posisyon at ang Career service employees na may first-level eligibility.

(Logo ng Civil Service Commission)