Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko kaugnay ng pagkalat ng mga pekeng endorsement, na ginagamit ang FDA, ng mga produktong pangkalusugan sa iba't ibang social media platforms.

News Image #1


Ang babala ay inilabas ng FDA dahil sa dumaraming hindi otorisadong pag-eendorso ng mga produktong pangkalusugan na maaaring makalinlang sa mga mamimili at maging dahilan ng seryosong sakit.

Batay sa Republic Act Number 9711 o tinatawag na "Food and Drug Administration Act of 2009," ang paggawa, importasyon, pagluluwas, pagbebenta, distribusyon, promosyon, advertising at pag-sponsor ng mga produktong pangkalusugan na walang karampatang otorisasyon mula sa FDA ay mahigpit na ipinagbabawal.

News Image #2


Ayon pa sa FDA, bawal din sa mga opisyal at empleyado ng ahensiya na mag-endorso ng anumang health products nan nire-regulate ng ahensiya.

Upang mapigilan ang pagkalat ng peke at maling endorsements at matiyak na mababantayan ang kalusugan ng publiko, hinikayat ng FDA ang mga mamimili na mag-ingat at huwag basta tatangkilikin ang mga produktong ibinebenta sa social media platforms.

Maaaring maberipika ang registration o notification status ng mga health products sa pamamagitan ng pagbisita sa FDA Verification Portal sa https://verification.fda.gov.ph

(Larawan mula sa FDA website)