Tinanggal pansamantala sa posisyon ang hepe ng Taguig City Police na si Colonel Joey Goforth habang iniimbestigahang ang pag-aresto na diumano ay walang warrant at mapanakit na isinagawa ng ilang tauhan ng Taguig City Police Substation 5 sa isang barangay sa Taguig City kamakailan.
Sinabi ng tagapagsalita ng National Capital Region Police Office na si Major Hazel Asilo na ang administrative relief kay Goforth ay ginawa habang mayroong imbestigasyon sa 7 tauhan ng naturang substation. Hindi pa masabi kung kailan matatapos ang administrative relief nito.
Ang pitong pulis kasama ang dalawang reinforcement officers at ang kumander ng Taguig City Police Substation 5 ay tinanggal muna sa posisyon habang iniimbestigahan sa kasong pag-abuso sa kapangyarihan.
Nag-viral sa social media ang closed-circuit television (CCTV) footage ng pangyayari kung saan nakitang nagpapakita ng papel ang isang pulis sa matanda kaugnay ng diumano ay pag-aresto na kinwestyon ng matandang babae dahil wala namang lagda ng hukom.
Gayundin, nasaktan ang matandang babae, ang nanay ng 2 kabataang lalaki at ang mga naturang kabataan na inaresto ng mga pulis.
Dahil sa pangyayari, mahigpit na ipinaalala ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa lahat ng mga kumander ng mga istasyon ng pulisya na sundin ang tamang pamamaraan ng operasyon at ang tamang pag-uugali ng mga pulis.
Tiniyak din nitong mananagot ang mga pulis na may kinalaman sa operasyong ito sa Taguig at ang matatagpuang may sala ay mapaparusahan.
"Actions that violate police operational procedures and the rights of our citizens will not be tolerated, and appropriate sanctions will be imposed," ayon kay Marbil.
"As law enforcers, we are duty-bound to uphold the rule of law and protect the rights of every individual," dagdag pa nito.
Hepe ng Taguig City Police Col. Joey Goforth, Tinanggal Pansamantala sa Posisyon Habang Iniimbestigahan ang Viral Video ng Pag-Aresto ng mga Pulis ng Substation 5 sa mga Kabataan | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
