Hustisya ang hiling ng pamilya ng nasawing rider na si Tyron Lubarbio Miculob makaraang hindi pa rin magpakita ang nakabangga ritong driver ng isang SUV sa Sucat, Muntinlupa noong Hulyo 10, 2026.

News Image #1


"Patuloy po kami nahingi ng panawagan po kay Kagawad. Sana matulungan na nyo kami. July 10 simula po nangyari ang aksidente wala po paramdam po yang Kagawad na yan. Ililibing na lang po kapatid ko sa Linggo wala pa din po hustisya. Sana matulungan nyo po kami sa aming panawagan," ang pahayag ni Aya Miculob, kapatid ng biktima, sa Taguig.com.

News Image #2


Aniya, lumabas na sa ulat ng pulisya na ang driver ng naturang SUV ay isang babaeng Kagawad ng barangay sa Taguig na hindi na nagpakita sa kanila makaraang dalhin sa ospital ang kanyang kapatid.



Ayon naman sa mga kaanak ng driver ng SUV, nagkaroon ito ng trauma sa pangyayari, at nakipag-usap naman sa pamilya kaugnay ng kanilang maiaabot na tulong.

Gayunman, ang nais ng pamilya ng nasawing 36 na taong gulang na rider ay magpakita sa kanila ng personal ang nakabangga at mabigyan ng hustisya ang pagkasawi ng kanilang mahal sa buhay.

Si Miculob ay ililibing bukas, Hulyo 19, 2026, alas 12:00 ng tanghali sa The Heritage Memorial Park makaraan ang Misa sa Sto. Niño de Taguig Parish Church.

Naiwan nito ang kanyang asawa at isang 8 taong gulang na anak.