Mawawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng Taguig City ng iba't ibang araw simula Hunyo 25, 2024 dahil sa naka-iskedyul na pagmamantina ng gamit sa kuryente na isasagawa ng Manila Electric Company (Meralco).
(Larawan ng Philippine News Agency)
Sinabi ng Meralco na mawawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng Barangay Western Bicutan mula Hunyo 25 hanggang 26, 2024 dahil magpapalit sila ng mga poste, line reconductoring at reconstruction sa America Street sa Enlisted Personnel Village 1, Barangay Western Bicutan, Taguig City. Gayunman, walang nakalagay na eksaktong oras ng pagsisimula at pagtatapos ng gawain.
Sa Hunyo 27, ang Barangay Western Bicutan naman ang maaapektuhan ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente dahil sa pagpapalit ng ilang pasilidad at line reconstruction works sa may East Service Road sa Barangay Western Bicutan, Taguig.
Sa pagitan ng alas 12:30 ng madaling araw ng Hunyo 27 hanggang alas 4:30 ng madaling araw, papatayin pansamantala ang Circuit Malibay 53VJ na makakaapekto sa bahagi ng East Service Road exit mula East Service Road, kasama ang Philippine Army Task Group Bantay Headquarters.
Ang mawawalan naman pansamantala ng kuryente sa Hunyo 29, 2024 ay ang ilang bahagi ng Barangay Comembo at East Rembo sa pagitan ng alas 9:00 ng umaga at alas 9:30 ng umaga at sa pagitan ng ala 1:30 ng hapon at alas dos ng hapon, sa bahagi ng Circuit Taguig 41ZL.
Ito ay bunga ng line reconductoring works sa may J. P. Rizal St. sa Barangay Comembo, Taguig City.
Ang mga apektado ay ang bahagi ng Sampaguita St. mula J. P. Rizal St. hanggang 9th St. kasama ang Jollibee; at 8th at 9th Streets sa Barangay Comembo.
Mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 2:00 naman ng hapon sa bahagi ng J. P. Rizal St. mula 27th Avenue hanggang Anahaw Street, kasama ang Philippine Army Village Homeowners Association Inc. (PAVAI), KFC, Mercury Drugstore, Meriras Commercial Complex, Mormon Church at Benigno "Ninoy" S. Aquino High School sa Barangay Comembo at East Rembo.
Kasama rin sa maaapektuhan ng brownout ang bahagi ng Anahaw St. mula J. P. Rizal St. hanggang Apitong, Alagao, Aguho, Tanguile, 1st, 3rd, 4th at 5th Streets.; at Comembo Barangay Hall sa Barangay Comembo.
Sa Hunyo 30, 2024, apektado ng brownout ang ilang bahagi ng Barangay Ususan at Barangay Western Bicutan mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon, sa nasasakupan ng Circuit Malibay 53VJ.
Ito naman ay dahil sa line reconstruction at line reconductoring works sa may Carlos P. Garcia Ave. (C-5 Road) sa Barangay Ususan, Taguig City.
Ang mga apektado ay ang bahagi ng Carlos P. Garcia Ave. (C-5 Road) mula Pinagsama Village Phase 2 hanggang PDS Avenue, kasama ang bahagi ng Diego Silang Village, MRB Condominium Compound at Bases Conversion & Development Authority (BCDA) Field Office sa Barangay Ususan at Western Bicutan. Apektado rin ang bahagi ng PDS Avenue mula Carlos P. Garcia Avenue (C-5 Road) hanggang Cypress Tower sa Barangay Ususan.
Pinaghahanda ang mga customers ng Meralco sa Taguig sa mga power interruptions na ito sa loob ng mga nabanggit na araw.
Ilang Bahagi ng Taguig City, Mawawalan ng Kuryente sa Hiwa-Hiwalay na Araw at Oras Simula Hunyo 25 Hanggang 30, 2024 | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
