Isang Indian national na lumampas na sa takdang panahon ng pagtigil sa Pilipinas ang ikinulong ngayon sa Bureau of Immigration (BI) Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Ang 40 taong gulang na Indian national na si Jasbir Singh ay nagtangkang lumipad palabas ng bansa sa Clark Inernational Airport sa Pampanga noong Abril 17, 2024.

News Image #1

(larawan mula sa Bureau of Immigration)

Nakatakda sana itong lumipad patungong Singapore nang makitaa ng BI Border Control and Intelligence Unit (BCIU) na ang emergency travel document ni Singh ay walang stamp ng BI. Gayunman, ang boarding pass nito ay mayroon nang tatak ng BI.

Ayon sa BI-BCIU acting chief na si Vincent Bryan Allas, ang akala ni Singh ay maliligtasan nito ang penalty para sa pagiging overstaying alien at ang bayad sa immigration.

Napag-alaman na si Singh ay dumating sa bansa noong Disyembre 9, 2023 at pinayagan lamang na maging turista sa Pilipinas ng 21 araw.

Sinabi naman ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na tinanggal na sa tungkulin ang immigration officer na pinayagan ang pasaherong si Singh na makatungo sa departure gate nang walang karampatang immigration clearance.

"He will be facing an investigation for possible cases of grave misconduct and conduct prejudicial to the interest of the service," ayon kay Tansingco.

Sinabi pa ni Tansingco na bukod sa mga tauhan ng BCIU na nagsasagawa ng spot check, mayroon pa silang off-site monitoring na gumagamit ng CCTV camera upang agad na maaksyunan ang anumang suspetsosong aktibidad.