Nagpalabas ng pahayag ang Kapt. Jose Cardones Integrated School sa Barangay South Signal, Taguig kaugnay ng pagkasawi ng isang estudyante sa loob ng covered court nito kahapon ng umaga, Marso 9, 2026.

News Image #1


Nagpahayag ang eskwelahan ng pakikiramay at pakikidalamhati sa pamilya, ar maging sa mga kaklase at kaibigan ng mag-aaral na natagpuang nakabitin sa ika-apat na palapag ng covered court.

"Sa mga ganitong sitwasyon, mahalaga ang pagtutulungan, pag-unawa, at pagbibigay ng tamang suporta sa bawat isa upang malagpasan ang mabigat na sitwasyong kinakaharap ng lahat," ayon sa paaralan sa isang pahayag na inilabas sa kanilang Official Facebook Page.

"Matapos ang insidente, agad ding nagsagawa ng mga hakbang upang matulungan ang mga mag-aaral na nakasaksi o naapektuhan ng pangyayari. Sila ay inilipat sa hiwalay at ligtas na lugar sa loob ng paaralan upang mabigyan ng tamang atensyon at suporta. Ang Guidance Advocate ng paaralan, school nurse, at iba pang mga guro ay agad na tumulong upang mabigyan ng paunang psychosocial support sa mga mag-aaral," dagdag pa ng eskwelahan.

Nilinaw ng pamunuan ng Kapt. Jose Cardones Integrated School na hindi sila nagkulang sa "pagpapatupad ng mga
nararapat na hakbang upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral. Ang paaralan ay may umiiral na mga programa at mekanismo na nakatuon sa mental health awareness, student welfare, at school safety na patuloy na ipinatutupad upang matulungan ang mga mag-aaral sa kanilang pangangailangan."

Kabilang anila sa ginagawa ng paaralan para patuloy na palakasin ang mga programang pangkalusugan pangkaisipan ay ang mga "classroom-based discussions tungkol sa pagpapahalaga sa buhay at pakikipag-ugnayan sa mga magulang, barangay, at kapulisan upang higit pang
mapalakas ang kaligtasan at suporta sa mga mag-aaral."


Tiniyak din ang mas mahigpit na koordinasyon sa mga school personnel upang masiguro ang maayos na pagbabantay sa loob ng paaralan.

Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang mga kinauukulan makaraan ang pangyayari.

News Image #2

News Image #3


(Mga larawan ng Kapt. Jose Cardones Integrated School)