Overloading ng kuryente at hindi magandang pagkaka-bundle ng mga kawad ang dahilan ng madalas na pagputok ng mga kawad at poste ng kuryente, na nagsasanhi ng mga blackout.

News Image #1


Ito ang inihayag ng mga tauhan ng Meralco na nagkumpuni ng nasunog na kawad ng kuryente sa Acacia St., Barangay Pembo, Taguig, kanina, Hunyo.

Bumalik na ang kuryente ngayong umaga makaraang maitawag agad ng Pembo Fire and Rescue ang insidente sa Meralco, ayon kay Kagawad Dexter Miranda na nakapanayam ng Taguig.com.

News Image #2


"Naabutan po nating nabugahan na ng fire extinguisher ang nag-apoy na bahagi kaya mabilis na naagapan ang sakuna. Nalinis na rin po ang mga naiwang kemikal mula sa extinguisher," ang pahayag ng Pembo Fire and Rescue Brigade.

"Sa pagsusuri ng Meralco, isa sa mga pangunahing nakitang dahilan ng nararanasang fluctuation o hindi magandang daloy ng kuryente ay dahil sa improper bundling at overloading ng mga wires bagay na madalas nagiging sanhi ng electrical fires," dagdag ng Pembo Fire and Rescue Brigade.

Sinabi pa ng Meralco na kapag mali o ilegal ang paraan ng pagkakabit ng mga kawad ay nagiging delikado ito.

Ilang insidente na ng electrical fires sa Barangay Pembo ang naganap kamakailan na agad namang narespondehan ng Pembo Fire and Rescue at ng Meralco.

Nagpasalamat din ang Pembo Fire and Rescue Brigade sa mga alertong residente.

Ipinaalala nila na kung may emergency, maaari silang tawagan sa 𝟎𝟗𝟏𝟕-𝟏𝟐𝟕-𝟔𝟐𝟏𝟒

(Mga larawan ng Pembo Fire and Resuce Brigade)