Gumagawa ng ng solusyon ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa pagkaputol ng suplay ng tubig sa Palar Village na nasa bahagi ng dalawang barangay - Southside at Pinagsama - sa Taguig City.

Sa pahayag ni Taguig City Mayor Lani Cayetano sa simbahan ng San Vicente Ferrer Parish sa Palar Village, Barangay Pinagsama, Taguig City kahapon, Mayo 5, 2024, inanunsyo nito na pumayag na ang Manila Water at Bases Conversion Development Authority (BCDA) na kabitan ng metro ng tubig ang unang 200 kabahayan na malapit sa pinagmumulan ng tubig.

News Image #1


"Sa pamamagitan ng pakiusap ng lokal na pamahalaan ng Taguig, ang BCDA at Manila Water ay pumayag sa kahilingan natin na ang paunang dalawandaang bahay sa pinakamalapit na main source ng tubig ay sisimulan na ang proseso ng individual metering," ayon kay Cayetano.

"Kapag nangyari ang individual metering, hindi na mapapasa-kontrol ng iilang grupo o pamilya ang suplay ng tubig dahil diretso na sa mga kababayan natin," ang dagdag pa ni Cayetano.


(Video ni Kagawad Jobert Quiambao)

Sinabi pa ni Cayetano na ang problema ng pagkaputol ng suplay ng tubig sa Palar Village ay bunga ng kabiguan ng may hawak ng pagsu-suplay ng tubig na magbayad sa Manila Water ng P5 milyong pagkakautang nito.

Napag-alaman naman ng Taguig.com reporter na si Jayson Pulga na ang kumokontrol sa suplay ng tubig sa Palar Village ay ang Inner Port Neighborhood Association.

Sa panayam pa ni Pulga sa mga residente ng Palar, inihayag ng mga ito na nagbabayad sila ng P67. 00 per cubic meter sa tubig at updated naman ang kanilang bayad. Nagdurusa silang walang tubig simula pa noong nakaraang linggo.

Ayon naman sa isang miyembro ng Taguig.com Group, nakikiusap silang kahit bigyan lamang sila ng suplay ng tubig ng dalawa o tatlong oras para makaipon.

Sa ngayon ay sinu-supply-an lamang sila ng tubig ng mga bumbero ng Bureau of Fire Protection ng Taguig City.

(Larawan ni Dek Terante)