Arestado ng mga tauhan ng Taguig City Police Station ang isang lalaking nagpanggap na bibili ng mobile phone at nakipag-meet-up sa nagbebenta sa Taguig City.
Nahuli ang 23 anyos na suspek ng mga pulis-Taguig sa Barangay South Signal noong Sabado ng madaling araw, Hulyo 4, 2026.
(Larawan ng Taguig City Police)
Sa isang nag-viral na video, nakuhanan pa ang transaksyon ng "buyer" at seller na nauwi sa holdapan.
Nagkasundo ang nagbebenta at "buyer" na magkita sa Barangay North Signal, Taguig noong Hulyo 1, 2026 ng gabi. Ang "buyer" ay may kasamang isa pang lalaki, gayundin ang biktima.
Nang ipapakita na ng biktima at ng kanyang kaibigan ang mga ibinebentang mobile phones na maaaring pagpilian, biglang naglabas ng baril ang suspek at pilit na kinuha ang mga ibinebentang cellphones.
"P***na nyo, papatayin ko kayong dalawa! Hindi mo ibibigay?" ang sinabi ng suspek na nakunan pa ng biktima sa isa pa nitong hawak na cellphone.
Nakuha sa mga biktima ang 4 na mobile phones na nagkakahalaga ng ₱165,000 at pati ang cash na ₱25,000.
Sa isinagawang pursuit operation ng Taguig City Police, naaresto ang suspek at nakuha rito ang isang kalibre .45 baril, mga bala at isang granada.
Sinabi ng Taguig City Police na dati na rint naaresto ang suspek sa kasong paglabag sa Section 28 of Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
"The Taguig City Police Station assures the public that the incident was immediately addressed and that backtracking and follow-up operations are ongoing to apprehend the remaining suspect, who is still at large," ayon sa Taguig City Police sa kanilang social media post.
Lalaking Nagpanggap na Bibili ng Mobile Phone, Holdaper Pala; Naaresto ng Taguig Police | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
