Maaaring makakuha ng kanilang birth certificate ang mga wala pa nito na mga residente ng Taguig sa pamamagitan ng Free Mobile Birth Registration (MBR).
(Larawan ng Taguig.com)
Ito ay isasagawa sa Purok Dos Multi-Purpose Building sa Barangay Upper Bicutan sa Mayo 24, 2025 mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon.
Ang mga tutulungan na magka-birth certificate ay ang mga late registrants.
Kailangan lamang na kumuha ng Certificate of Live Birth form sa kinaroroonan ng Mobile Birth Registration o sa mismong opisina ng City Civil Registry sa Taguig City Hall.
Makaraang sagutan (typewritten o computerized) ang mga detalyeng kinakailangan sa Certificate of Live Birth form, kailangang pirmahan ito.
Sa likurab ay kailangan ding sagutan ang mga kinakailangan at pipirmahan ang Affidavit for Delayed Registration of Birth. Kailangang ipa-notaryo ang napunang form.
Kailangan ding kumuha ng negative certification sa Philippine Statistics Authority (PSA) na magpapatunay na wala pang nai-file na birth certificate ang aplikante.
Kailangang kumuha ng certified true copy ng Marriage Certificate mula sa PSA o sa Local Civil Registry Office.
Kung hindi naman kasal ang mga magulang( kailangang sagutan ang Affidavit of Acknowledgement/ Admission of Paternity na matatagpuan sa likuran ng Certificate of Live Birth Form, at ang Affidavit to Use the Surname of the Father (AUSF). Pirmahan ito at ipa-notaryo.
Kailangan din ang National ID ng magulang, valid ID ng magulang, dalawa sa mga sumusunod na dokumento na nagpapatunay sa pangalan ng mga magulang, petsa at kung saan isinilang ang aplikante:
a. Original Baptismal Certificate mula sa parokya
b. Medical Certification or Immunization Card mula sa ospital, health center o doktor
c. Certified True Copy ng Form 137/ School Records (para sa edad 7-17 taon)
d. Certified True Copy ng Voter's Registration (para sa edad 18 pataas)
Ang mga hindi nakarehistro makalipas ang 30 araw pagkapanganak ng isang bata ay maituturing nang late birth registration.
Ang mga batang edad 7 hanggang 17 na hindi pa nairehistro ang kapanganakan ay kailangang kasama ng kanilang mga magulang kapag nag-file ng late birth registration.
Kung kasal ang magulang, kahit ang isa lang sa mga magulang ang mag-file. Kung 18 taong gulang na ang magpa-file ng late birth registration, puwedeng wala na ang magulang.
Kung hindi kasal ang mga magulang, kinakailangang magpakita sa rehistrasyon ang nanay at tatay.
Mahalagang naroon ang tatay sa birth registration kung hindi ito kasal sa nanay ng bata, at gayundin naman ang nanay kung hindi kasal sa tatay, maliban na lamang kung patay na ito, nasa ibang bansa o inabandona na ang pamilya.
Papayagan din ang lola o nanay ng nanay ng ipaparehistro. Kailangan lang ng Affidavit of Guardianship.
Kung hindi naman isinilang sa Taguig City ang mag-a-apply sa late birth registration, maaari pa rin itong magparehistro at tutulungan ng opisina ng City Civil Registry ng Taguig sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan kung saan isinilang ang magpaparehistro. Ito ang tinatawag na Out-of-Town Registration.
Walang bayad sa rehistrasyon subalit babayaran ng nag-a-apply ang kukuning requirements tulad ng notarization, barangay clearance, at negative certification mula sa PSA.
Kung may dagdag na tanong, maaaring makipag-ugnayan sa City Civil Registry sa Ground Floor ng City Hall Annex Bldg., General Luna St., Barangay Tuktukan, Taguig City.
Late Birth Registration, Ipagkakaloob ng Libre ng Taguig City Government, Dadayo sa Barangay Upper Bicutan sa Mayo 24 Para sa Mobile Birth Registration | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
