Mahigit dalawandaang Taguigeño na kinabibilangan ng mga mahihirap at mga biktima ng sunog, ang nakatanggap ng tulong pangkabuhayan sa pamahalaang lungsod ng Taguig City at Department of Labor and Employment-National Capital Region (DOLE-NCR) sa pamamagitan ng mga food carts.
Ang pagbibigay ng food cart livelihood packages at seminar sa pagsisimula ng negosyo ay isinagawa noong Hunyo 12, 2024, kaalinsabay ng selebrasyon ng ika-126 Araw ng Kalayaan ng bansa, sa Taguig National High School sa Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.
Kasama ring nagsagawa ng seminar kaugnay sa pagnenegosyo ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa Lakeshore Tent sa Barangay Lower Bicutan, Taguig City.
Sa ilalim ng temang "Kalayaan Laban sa Gutom at Kahirapan," tinulungan din ang mga benepisyaryo ng food cart livelihood package na matututo sa pananalapi, kung paano irerehistro ang kanilang negosyo at may medical checkup din para sa mga food business operators.
Sinimulan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga nangangailangang Taguigeño noon pang 2018. Bukod sa pagtulong sa mga bagong negosyanteng Taguigeño na makakuha ng kinauukulang permit, may dagdag pang tulong na perang P5, 000 para sa ibang pang pangangailangan sa kanilang negosyo.
"Bahagi ng pagiging responsableng negosyante na masiguro, lalo na pag food ang business na mapupunta sa inyo, dapat protektado, hindi lamang ang sarili, pati ang pamilya ninyo, at ang inyong mga mamimili. Hindi rin po kayo mag-aabala, kumbaga express service na po ito sa inyo ng City Government of Taguig, tuturuan kayo ng tamang pag rehistro ng inyong mga negosyo. Para sa akin, para may opportunidad, as an entrepreneur, dapat tinuturuan din kayo tamang paraan ng pagrerehistro ng inyong kabuhayan," ayon kay Cayetano.
Isa sa mga benepisyaryo, si Anabel Chaves ng Barangay Western Bicutan, ay nagpasalamat sapagkat malaking kaluwagan aniya sa kanilang buhay ang food cart business na ipinagkaloob ng pamahalaang lungsod ng Taguig.
"Bukod sa nasunugan kami, single parent pa ako. Sanay ako sa negosyo kasi dati akong nagca-car wash pero hindi ko na napagpatuloy sa pagtaas ng bayarin sa tubig at kuryente. Sobrang pasasalamat talaga kay Mayor Lani Cayetano kasi isa ako sa mga bukod na pinagpala kasi bukod dito, ay iskolar din po ng Taguig ang bunso na ngayon ay graduating na po ng kolehiyo. Sobra sobrang biyaya po ito," ayon kay Chaves.
(Mga larawan mula sa Taguig PIO)
Mahigit 200 Taguigeño , Binigyan ng Food Cart Business ng Taguig City Government | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
