Ang mga magiging doktor ang papaaralin ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa ilalim ng Invest Scholarship Program.

Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig noong Oktubre 8, 2025 ang INvesting in the Value of Education through Stewardship for Taguigeños (INVEST) Scholarship Program sa New Taguig City Hall

News Image #1


Magbibigay ng pinansiyal na suporta ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa mga kwalipikadong Taguigeños na mag-aaral ng medisina.

Buong matrikula, miscellaneous fees at bibigyan pa ng buwanang allowance na hanggang ₱15,000 ang mga iskolar na papasa sa proseso ng pagpili ng siyudad.

Sinabi ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na hindi na matatakot ang mga mahuhusay na estudyante subalit kulang sa pinansiyal na kakayahan, na magaral ng medisina.

News Image #2


"With this program, our students will fear no more. Hindi na sila matatakot na kumuha ng isa sa pinakamahal na kurso na pwedeng piliin ng isang estudyante. Kasi ang city natin tutustusan ang tuition fee nila para makapag-aral sila ng medisina."

Sa pamamagitan din ng programa, matitiyak na ang mga pagamutan at sentrong pangkalusugan ng Taguig ay magkakaroon ng mahuhusay na doktor sa pamamagitan ng kanilang "return-service commitment."

Ang mga sakop ng INVEST Scholarship program ay ang mga Taguigeño na mag-aaral o nag-aaral na ng medisina sa mga sumusunod na paaralan:

• Ateneo de Manila University School of Medicine and Public Health
• Centro Escolar University-Manila
• De La Salle University Health Sciences Institute
• Far Eastern University-Nicanor Reyes Medical Foundation
• Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
• St. Luke's College of Medicine
• San Beda University
• University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERM)
• University of Santo Tomas
• University of the Philippines-Manila

(Mga larawan ng Taguig PIO)