Binuksan nang muli ang malaking aqua sports complex sa Barangay West Rembo, Taguig City na isinara sa panahon ng kainitan ng territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati.

News Image #1


Sa pagbubukas noong Hulyo 23, 2026, ito ay pinangalanan nang Taguig Aquatic Sports Complex (TASC) makaraang isagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang rehabilitasyon dito lalo na sa anila ay mga pasilidad na napabayaang hindi nakukumpuni ng matagal na panahon.

News Image #2


Ang TASC ang magiging bagong lugar na pagsasanayan ng mga Taguigeño na naghahangad na maging manlalangoy.

Bubuksan din ito sa malapit na hinaharap sa publiko na nagnanais ng libreng malalanguyan.

Ang inayos na pasilidad ay may kiddie pool na hanggang 4 na talampakan ang lalim ng tubig at isang 8-lane Olympic-size swimming pool.

Pinangunahan ni Taguig City
Mayor Lani Cayetano, kasama ng mga opisyal ng lungsod, ang pagbubukas sa pamamagitan ng isang ribbon-cutting ceremony at pagbabasbas.

News Image #3


Tiniyak ni Mayor Cayetano ang pagsuporta sa mga atleta ng Taguig at pagbubukas ng pasilidad sa buong komunidad.

"In the City of Taguig, nagtitiwala tayo na ang husay ng isang tao sa palarong pampalakasan ay isang porma ng katalinuhan, kaya't ito ay buong-buong sinusuportahan ng City Government of Taguig. Dito sa swimming pool na ito, dito sa Aquatic Sports Complex na ito, inaasahan natin na uusbong ang mga atletang magbibigay ng karangalan hindi lang sa Lungsod ng Taguig kundi maging sa iba't ibang bansa. Tulad ng naihayag kanina, mapapagamit natin ang pasilidad na ito nang libre."

Idinagdag pa ng alkalde ang kahalagahan ng paghuhog sa mga kabataan sa disipina ng sports.

News Image #4


"We want to see the youth of Taguig give importance doon sa value ng sports, kasi dito marami silang matututunan. 'Yung disiplina, 'yung pakikibagay sa kapwa tao, 'yung pagtitiyaga, at 'yung hindi pagsuko sa mga pagsubok. Iyon ang isa sa mga dulot ng sports. Sinasanay ang mga bata na mahihirapan ka, pero may resulta ang paghihirap. Mabibigo ka, pero kapag hinamon mo ang sarili mo, sa susunod na laban, hindi mo man makuha ang championship ngayon, posibleng makuha mo na ito sa susunod."

Kabilang sa mga inayos ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa aqua sports complex ang mga pasilidad para sa bisita, security features, bagong signage sa harapan, pininturahan at inayos ang parking entrance gate, inayos din ang mga restrooms, inayos ang mga lamesa at upuan at ang pool equipment station ay pinuno ng life jackets, kickboards, pool noodles, at iba salbabida na maaaring gamitin ng libre ng mga maliligo.

(Mga larawan ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig)