Maaga pa lamang ay nagsimula nang nagtipon-tipon sa Luneta/Rizal Park sa Manila at sa EDSA People Power Monument, EDSA Shrine at tapat ng Kampo Aguinaldo sa Quezon City ang mga nagpo-protesta laban sa korapsyon makaraang mabunyag ang mga ghost o substandard flood projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nagsimula na ang programa sa "Baha sa Luneta: Aksyon Laban sa Korapsyon" kaninang bandang alas 8:00 ng umaga, Setyembre 21, 2025. Ang iba't ibang grupo mula sa simbahan, eskwelahan at civic society groups ang nagtitipon-tipon na sa Luneta, Manila at naookupahan ang Roxas Boulevard ng mga nagma-martsa.
Marami na rin ang nagtitipon-tipon ngayon sa EDSA People Power Monument, EDSA Shrine at tapat ng Kampo Aguinaldo para sa Trillion Peso March na inorganisa ng simbahang Katoliko at ng Protestant church.
Mayroon ding grupo ng mga retired generals na nasa tapat naman ng Kampo Aguinaldo.
Ang ilang grupo ng siklista ay nanggaling naman sa Quezon City Circle kaninang alas 6:00 ng umaga. May mga nagtungo sa EDSA People Power Monument at may nagtungo sa Luneta.
Nagsimula na ng programa kaninang bandang alas 8:00 ng umaga, subalit mamaya ang magiging pormal na programa.
May konsiyerto rin ng 1:30 pm. Kabilang sa kakanta ang Ben&Ben, Bayang Barrios, at Noel Cabangon. Inaasahan ding magsasalita sina Iza Calzado at Anne Curtis.
Sa ngayon ay bumibigat na ang daloy ng trapiko southbound o patungong Cubao, Quezon City. Bumubusina ang mga motorista kapag napapadaan sa lugar ng protesta.
Ang kilos protesta laban sa korapsyon ay kaalinsabay na rin ng ika- 53 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Martsa Laban sa Korapsyon, Ikinasa na sa Luneta sa Manila at People Power Monument sa Quezon City | Taguig Balita
Language: Switch to English
