Nasawi ang isang menor de edad na lalaki at isang bumibili lamang ng sigarilyo sa tindahan sa pamamaril na naganap sa Barangay Palingon Tipas, Taguig bandang 6:30 ng gabi ng Hunyo 28, 2026.
Nasugatan naman ang isang magde-deliver ng parcel makaraang tamaan ng ligaw na bala.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, tinarget na barilin ng 16 na taong gulang na lalaking si alyas T ang 17 taong gulang na si alyas J dahil diumano sa isang hindi pagkakaunawaan.
Tinitingnan ng pulisya ang anggulong alitan sa ipinagbabawal na gamot ang dahilan ng alitan ng dalawa.
Nagpahayag naman ng pag-aalala at kalungkutan si Taguig City Mayor Lani Cayetano dahil sa pangyayari, lalo na at ang nasasangkot ay mga menor de edad na posibleng ginagamit sa aktibidad na may kinalaman sa ilegal na droga.
[Photo1
(File photo ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig)
Sinabi ng alkalde na ang pangyayaring ito ay dapat na maging panggising sa mga pamilya at sa komunidad upang magtulong-tulong na mailayo ang mga bata sa bawal na gamot at sa mga kriminal na aktibidad.
"Lubhang nakababahala ang posibilidad na ang ating mga kabataan ay nagagamit o naaakit sa ilegal na droga at karahasan. Walang batang dapat nalalagay sa ganitong sitwasyon. Dapat silang nasa paaralan, kasama ang kanilang pamilya, at ginagabayan tungo sa magandang kinabukasan, hindi nagiging bahagi ng krimen. Patuloy nating palalakasin ang ating mga programa upang mailayo ang ating mga kabataan sa droga, karahasan, at iba pang masasamang impluwensya. Kasabay nito, patuloy din tayong makikipagtulungan sa ating mga law enforcement agencies upang mapanagot ang mga responsable at mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad," qng pahayag ng alkalde.
Sa ngayon ay hinahanap ng pulisya ang menor de edwd na suspek. Hinihingi rin ng mga ito ang kooperasyon ng mga magulang ng suspek.
Samantala, isang grupo na tinatawag na Palingon-Tipas HOOD ang nanawagan para sa kapayapaan sa kanilang lugar.
(Larawan ng Palingon-Tipas Hood)
"Walang sinuman ang dapat mabuhay sa takot. Para sa kinabukasan ng ating mga kabataan at para sa kaligtasan ng bawat isa, panahon na para piliin ang kapayapaan. Tama na. Itigil na ang karahasan sa ating lugar," ang nakasaad sa post ng mga ito sa social media.
Mayor Lani, Nagpahayag ng Pagkabahala: Menor de Edad at 1 Bumibili lang sa Tindahan sa Palingon-Tipas, Nasawi sa Pamamaril | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
