Nasa Pilipinas ngayon ang Miss Universe 2022, ang Filipina-American na si R'Bonney Gabriel upang mag-trabaho sa ilalim ng bagong management nito na Empire/Mercator.

News Image #1


Sinabi ni R'Bonney sa kanyang Instagram post na masaya siyang nakabalik muli sa Pilipinas subalit nagulat siya sa sobrang init sa bansa nang dumating siya kamakalawa nang ang temperatura sa Metro Manila ay nasa 40 degrees Celsius.

"After a 16-hour flight with my overstuffed suitcase, I made it here! Y'all said it was hot, but I'm not sure if I packed right for this heat," ayon kay R'Bonney sa kanyang Instagram post sa kanyang account na rbonneynola.

News Image #2


Ibinahagi rin ni R'Bonney sa Instagram ang kanyang mga larawan at video na naka-itim na kasuotan, kung saan suot niya ang isang maigsing blazer na sarili niyang disenyo, habang naglalakad siya sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Si R'Bonney ay kinoronahang Miss Universe noong 2022 makaraang katawanin ang Amerika. Ang 28 taong gulang na si R'Bonney ay mula sa Texas, USA at gumawa ng kasaysayan nang maging kauna-unahang Filipina-American na nagwagi ng titulong Miss Texas at Miss USA.

Ang ama ni R'Bonney ang Pilipino, si Remigio Bonzon "R.Bon" Gabriel, na taga-Malate at ang ina naman niya ay si Dana Walker ng Beaumont, Texas.

(Larawan mula sa Instagram ni R'Bonney Gabriel)