Isandaan at apatnapung libong pisong kabuuang cash prize ang ipapamahagi ng pamahalaang lungsod ng Taguig sa isasagawang Taguig City Kite Flying Competition 2024 sa Mayo 18, 2024 sa TLC Park Open Grounds, Laguna Lake Highway/C6 Road, Barangay Lower Bicutan, Taguig City.

Bilang bahagi ng ika-437 anibersaryo ng pagkakatatag ng Taguig, ang mga nagpapalipad ng saranggola na mga Taguigeño ay inaanyayahang lumahok sa patimpalak na ito na pinangungunahan ng Sports Development Office (SDO) ng Taguig.

Ang itatanghal na kampeon sa kite flying competition ay magwawagi ng P35, 000. Ang first runner-up naman ay magwawagi ng P25, 000; ang second runner-up at P15, 000; at ang third runner-up ay P10, 000.

News Image #1


Bibigyan din ng tig- P2, 000 cash ang susunod na dalawampung magkakamit ng mataas na iskor sa kumpetisyon.

Bukod dito, may special award din para sa "Most Artistic" na magkakamit ng P5, 000; ang "Biggest Kite" ay magwawagi ng P5, 000 at ang "Smallest Kite" ay may premyo ring P5, 000.

Upang makasali, kailangang magparehistro bago o sa mismong deadline sa Mayo 15, 2024, ganap na alas 4:00 ng hapon, sa link na ito:
https://bit.ly/KiteFlyingRegistrationForm.

Ang unang 100 residente ng Taguig na makakapaparehistro lamang ang makakalahok sa kumpetisyon at isang saranggola lamang sa bawat kalahok.

News Image #2


Kapag nakumpleto ang form, ipadala ito sa email kasama ang mga kinakailangang attachments na photocopy ng balidong ID na may address sa Taguig at larawan ng saranggolang isasali sa: [email protected].

Ang lahat ng mgfa saranggola ay kailangang ginawa sa sarili o handcrafted na ang pinakamalaki ay anim na talampakan.

Ang lahat ng saranggola ay kailangang mapalipad sa taas na hindi aabot sa 500 talampakan.

Kung sakaling maging masama ang panahon at hindi maaaring mapalipad ang mga saranggola sa mismong araw ng kumpetisyon, huhusgahan ang mga saranggola kahit hindi mapalipad.

Kung sakali namang masira ang saranggola sa mismong pagdaraos ng kumpetisyon, papayagan ang may ari ng saranggola na ayusin ito. Maaari ring magpatulong sa mga kapamilya o kaibigan sa paglulunsad at pagkumpuni sa saranggola, subalit ang magpapalipad lamang ay ang gumawa ng saranggola.

Kailangang sumunod din ang mga kalahok sa tamang panahon ng pagpapalipad ng kanilang saranggola. Bawal ding basta na lamang ibaba ang kanilang saranggola nang walang kautusan mula sa mga organizers.
News Image #3


Narito ang mga pamantayan sa paghuhusga sa mga lalahok na saranggola sa kumpetisyon:
1. Design - 30%
2. Visual Impact - 40%
3. Flight - 30%

(Mga art cards mula sa Taguig PIO)