Isang cryptocurrency company na nagpanggap na may opisina sa Barangay Ligid Tipas, Taguig City ang inireklamo ng magkasintahang artistang sina Mikee Quintos at Paul Salas makaraang matangayan sila ng may P8 milyon.

News Image #1


Sinabi ng celebrity couple na may pitong iba pa ang kasama nilang natangayan ng P8 milyong piso nang mamuhunan sila sa Cronus Holdings Corporation na nagpakilalang isang cryptocurrency company na magpapatubo ng kanilang pera makaraan ang isang taong pamumuhunan.

Noong Mayo, muli silang hinikayat ng grupo na dodoblehin ang kanilang pera sa loob lamang ng dalawang linggo.

Gayunman, sinabi ni Paul na nakalipas ang dalawang linggo hanggang mag-isang buwan na ay hindi na nagpakita o nagparamdam sa kanila ang grupo.

Ayon kay Mikee, pinatubo muna ang pera nila ng isang taon, at makalipas ito, nang naniwala silang maayos ang kanilang kausap, namuhunan sila muli at itinakbo na ang kanilang pera.

Dahil hindi nila mahanap na ang grupo na nagpapatakbo ng Cronus Holdings Corporation, nagsampa na sila ng kasong estafa laban kina John David Del Castillo Ortiz, Margarita Ortiz-Tan, Ralph Francisco Torres, Defin Hernandez Villaruel, Jr. at Julian Vincent Ortanez Prado sa Makati City Regional Trial Court.

Ayon kina Paul at Mikee, ang mga nasa likod ng kumpanya ay pawang mga nasa edad na beinte pataas at ang isa ay graduating pa lamang sa kolehiyo.

Napag-alaman naman sa Securities and Exchange Commission (SEC) na nakarehistro ang Cronus dito subalit hindi ito pinapayagang magbenta ng mga investment tools tulad ng ginawa nilang pagbebenta ng cryptocurrency.

(Photo from Mikee Quintos FB)