Posibleng maapektuhan ng rotational blackouts o mawawalan ng kuryente ang ilang lugar sa Metro Manila at mga lalawigan sa Luzon dahil sa nagiging pagbagsak ng suplay ng kuryente.

Nagdeklara na ng yellow alert ang National Grid Corporation of the Philippines makaraang mapuwersang mag-shutdown ang 19 na power plants samantalang ang iba pa ay tumatakbong mababa ang suplay ng kuryente. Kulang ng 2,117.3 megawatts na suplay ng kuryente sa Luzon grid.

News Image #1

(Larawan ni Dek Terante)


Kahapon, Abril 17, 2024, kinulang ang suplay ng kuryente bandang ala 1:00 hanggang alas 2:00 ng hapon, naulit ng alas 4:00 hanggang alas 6:00 ng gabi at alas 6:00 hanggang alas 7:00 ng gabi/

Sinabi ng Manila Electric Company o Meralco na ang ilang mga lugar sa Barangay Lower Bicutan, Maharlika Village, Signal Village, Barangay Upper Bicutan at Barangay Western Bicutan sa Taguig City ay naapektuhan ng rotational blackout.

Nanawagan naman ang NGCP sa mga mamamayan na magtipid sa pagagamit ng kuryente upang hindi kulangin ang suplay nito.

Kailangan anilang tanggalin sa saksak ang mga de-kuryenteng kagamitan na hindi naman ginagamit at kung maaari ay magsama-sama sa isang kuwarto para isa lamang air conditioning unit ang gagamitin.