Tinanggap na ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagkakaluklok ng bagong mayorya sa Senado at pagkakahalal kay Senador Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President.

Sa post ni Cayetano sa sariling social media page, sinabi nitong hindi ang posisyon sa Senado ang mahalaga sa kanya, kung hindi ang mailabas ang katotohanan hinggil sa pondo sa flood control.

"That is the fight that began all of this - one side wanted to bring it out, the other was desperate to keep it covered. And it is a fight that we intend to continue, no title or position required," ayon kay Cayetano.

News Image #1

(Screenshot sa livestream ni Senador Cayetano)

Pinuri rin ni Cayetano ang aniya ay malalim na personal na sakripisyo ni Senador Jinggoy Estrada at ng pamilya nito nang hindi ito nagpatinag.

Gayundin aniya ang hindi pagbigay ni Senador Dante Marcoleta sa mga panggigipit lalo na sa mga banta ng pag-aresto.

Nauunawaan din aniya niya ang ginawang desisyon ni Senador Joel Villanueva nang lumipat na ito sa kabilang kampo.

Sinabi ni Cayetano na maraming trabahong naghihintay sa Senado at isa siya sa pangunahing susuporta sa mga ito tulad ng mga panukala upang matulungan ang Mindanao na makabangon mula sa malakas na lindol.