Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko kaugnay ng pagpo-post ng kanilang bakasyon sa social media lalo na kung ito ay kasalukuyang nangyayari.

News Image #1


Sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na mababantad sa mga kriminal ang kinaroroonan ng maaari nilang biktimahin o posibleng ang bahay ng mga ito ang targetin kapag nalamang wala ang mga nag-post sa kanilang tahanan.

Idinagdag pa ni Uy na ang mga mahilig mag-livestream ng kanilang ginagawa ay nagbubukas sa kanilang sarili sa kapahamakan.

Ang DICT ay nakikipagtulungan ngayon sa Department of Transportation (DOTr), Department of the Interior and Local Government (DILG), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at ScamWatch upang mapaalalahanan ang publiko sa mga karaniwang krimen at scam na nagaganap lalo na ngayong Semana Santa.

Hinikayat ni Uy ang mga mamamayan na mag-report sa scam hotline 1326 kung mayroong mga nagtatangka o nanloloko na sa mga ito online o sa pamamagitan ng text messages.

(Kuha ni Vera Victoria)