Hindi isusuko ni Senate President Alan Peter Cayetano ang kanyang kapangyarihang lumagda makaraang hindi tumugon ng pagsang-ayon si Senador Sherwin Gatchalian sa kanyang panukalang interim administrative arrangement.

News Image #1


Ito rin ay sagot ni Cayetano sa pahayag ng Malakanyang, sa pamamagitan ni Press Undersecretary Claire Castro, na ang ipinapanukala ni Cayetano ay makakagulo lamang.

News Image #2


Sinabi rin ni Castro na ang kinikilala ng Malakanyang na lider ng Senado ay si Gatchalian.

Ang interim administrative arrangement ay pansamantalang solusyon upang matiyak na tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng isang organisasyon, maprotektahan ang mga empleyado o staff at maingatan din ang mga resources sa panahon ng labanan sa liderato.

Sa pamamagitan ni Atty. Jose Luis Montales, ang itinalagang Senate Secretary sa ilalim ng grupo ni Cayetano, ipinanukala ang interim arrangement upang ang dalawang grupo ng Senado ay makapagpatuloy ng operasyon, at hindi rin madiskaril ang impeachment court proceedings sa kabila ng labanan sa liderato ng Senado.

Kabilang sa ipinapanukala ng grupo ni Cayetano ang:

* Dual-signatory o joint-certification system para sa mga opisyal na transaksyon at dokumento
* Operational continuity upang makapagtrabaho ang senado at ang Impeachment Court habang nireresolba kung sino ang tunay na mamumuno sa Senado
* Proteksyon ng mga tauhan sa Senado upang hindi maguluhan ang mga empleyado kung sino ang kanilang susundin.

Sinabi ni Cayetano na ang ginawa ng grupo ni Gatchalian noong Hunyo 3, 2026, ay isang ilegal na coup d'etat.