Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development na mas magiging maayos ang pamamahagi ng cash assistance para sa mga delivery at motorcycle drivers.

Ang mga delivery riders sa Taguig City ay makakatanggap ng kanilang ₱5,000 na ayuda bilang tulong sa tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo sa Abril 8 at 9, 2026 sa TLC Concert Grounds sa C6 Road, Barangay Lower Bicutan, Taguig City.

News Image #1


May iskedyul ang pamamahagi base sa numero ng mga delivery riders sa listahang nauna nang ipinalabas ng DSWD at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Magsisimula ang pamamahagi ng cash assistance ng alas 7:00 ng umaga at matatapos ng alas 4:00 ng hapon.

Ang mga motorcycle taxi drivers naman ay makakatanggap ng kanilang cash assistance sa Abril 10, 2026 sa ganoon ding oras, sa TLC Concert Grounds.

News Image #2


Inamin naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, sa pakikipagpulong sa DSWD Headquarters sa Quezon City kasama ang mga kinatawan ng Transport Network Companies (TNCs) noong Abril 1, na naging hamon ang pag-filter ng mga aktibo, hindi aktibo, at lehitimong riders, na nagiging sanhi ng pagkaantala sa pagkumpleto ng payout.

News Image #3


Dahil dito, hinikayat ng DSWD ang mga TNC na paigtingin pa ang komunikasyon sa kanilang mga riders upang matiyak na ang lahat ng kwalipikadong benepisyaryo ay sapat na naabisuhan para sa itinakdang special payout.

Ito ay batay sa mahigpit na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking walang maiiwan sa pamamahagi ng suporta para sa mga PUV drivers na labis na apektado ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

(Mga larawan ng DSWD)