Balik na sa pag-iisyu ng plastic driver's license ang Land Transportation Office ngayong Abril makaraang tanggalin ng Court of Appeals ang temporary restraining order dito.

News Image #1


Ang mga nag-expire ang driver's license noong Abril 1 hanggang Agosto 31, 2023, at maging ang mga mag-eexpire ngayong Abril 1 hanggang 30, 2024, ay maaari nang ma-renew ang kanilang driver's license at mabibigyan na ng plastic card simula Abril 15 hanggang 30, 2024.

Ang mga lisensiya naman ng nagmamaneho na expired na noong Setyembre 1 hanggang Disyembre 31, 2023 at mag-eexpire sa Mayo 1 hanggang 31, 2024, ay maaari nang ipa-renew ito sa Mayo 1 hanggang 31, 2024.

Samantala, ang mga nag-expire na driver's license mula Enero 1 hanggang Marso 31, 2024, at mag-eexpire na rin sa Hunyo 1 hanggang 30, 2024 ay makakapag-renew na ng kanilang lisensiya at makukuha ang plastic card sa Hunyo 1 hanggang 30, 2024.

Tinanggal na ng korte ang injunction order ng Quezon City court laban sa pag-deliver sana ng mahigit tatlong milyong plastic cards ng Banner Plastic Card, Incorporated, ang nanalong bidder na naatasang mag-supply ng 5.2 milyong plastic cards sa LTO.

Ang injuction ay iniharap ng natalong bidder na Allcards, Incorporated sa Quezon City court. Naging dahilan ito ng pagkabalam ng paglalabas ng plastic na driver's licenses.

(Photo by Philippine News Agency)