Dalawang magkahiwalay na poste ng kuryente sa Barangay Pembo, Taguig City ang biglang nag-apoy bandang alas 10:24 kagabi, Abril 24, 2024.

Ayon sa ulat ni Jayson Pulga, Taguig.com reporter, nagising ang mga mamamayan makaraang makitang nag-aapoy ang poste ng kuryente na malapit sa bahay sa Block 338 Lot 10 Tulip Street.


(Video courtesy of Sam Dequit)

Agad na rumesponde ang Barangay Pembo Fire Brigade at inapula ang nagliliyab na mga kawad ng kuryente sa poste sa Tulip Street. Itinawag rin agad ito sa Manila Electric Company o Meralco.

News Image #1

(Screenshot mula sa live report nina Jayson Pulga at Dek Terante ng Taguig.com)

Kasunod nito, isa ring poste ng kuryente sa Jupiter Street Barangay Pembo ang nag-apoy, subalit naagapan ng mga bumbero ang pagkalat nito.

Ang electrical fire ay karaniwang nangyayari kapag nagkakaroon ng overheating, manfunctioning, nasisira ang mga electrical component, kagamitan o wiring.

Ipinaalala ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ang electrical fire ay hindi dapat ginagamitan ng tubig sa pag-apula dahil maaaring makuryente ang gagawa nito at lalo ring kakalat ang apoy.

Mas mainam na gamitin dito ang fire extinguisher na naka-disenyo talaga para pumatay ng ganitong uri ng apoy.