Magtataas ng ₱1.90 kada litro ang presyo ng gasolina bukas, Marso 3, 2026.

Gayundin ang diesel na magkakaroon ng pagtataas na ₱1.20 kada litro, at ang kerosene na tataas naman ng ₱1.50 kada litro.

News Image #1

(Larawan ng Taguig.com)

Nagbabala ang ilang mga nasa industriya ng petrolyo sa bansa na posibleng magkaroon muli ng pagtataas sa susunod na linggo bunga ng tensyon sa Gitnang Silangan, dahil sa palitan ng missiles ng US-Israel at Iran.

Magsisimulang magtaas ng presyo bukas ng alas 6:00 ng umaga ang Shell at Seaoil, samantalang 4:01 ng hapon naman ang Cleanfuel.

Wala pang anunsyo ang ibang kumpanya ng petrolyo habang isinusulat ang balitang ito subalit kadalasang pareho lamang ang presyong ipapatupad ng iba pang gasolinahan.

Ito ang ika-sampung sunod na linggong may pagtataas sa mga produktong petrolyo at sa kabuuan ay nasa ₱6.70 na kada litro ang itinaas ng presyo ng gasolina, ₱9.40 sa diesel at ₱7.70 sa kerosene.