Hinarapan na ng reklamo ang isang pulis ng Taguig City Police Sub-Station 4 makaraang magsalita umano ng hindi kanais-nais at diumano ay malaswang hinawakan sa mukha ang isang 8 taong gulang na batang babae.

News Image #1


Administrative complaint para sa Grave Misconduct and Conduct Unbecoming of a Police Officer sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang iniharap ngayong Martes, Hunyo 30, 2026 laban kay Police Corporal Michael Nogales.

Sa isang press briefing ng NAPOLCOM, sinabi ng nagreklamong ina ng biktima na noong Hunyo 21, 2026, nilapitan ng suspek ang bata at sinabi umanong "Puwedeng pakiss sa pisngi! Mas maganda ka pa sa asawa ko," at ilang ulit umanong hinaplos ang mukha ng bata, dahilan upang mailang, mahiya at matakot ang biktima.

Nakita sa isang CCTV ang pag-aya ng suspek sa bata na lumapit sa kanya makaraang bumili ng yelo ang bata, at ang pagbulong at paghaplos nito sa mukha ng bata.

Ayon naman sa lolo ng biktima, nakira nya ring may mensahe sa TikTok ang suspek sa biktima at hinihikayat diumano ang bata na maligo at papanoorin nito.

"This case should compel us to look beyond punishment and focus on prevention. I have directed Commissioners Josephus G. Angan and Beatrice Aurora A. Vega-Cancio to review our recruitment system and submit concrete recommendations to strengthen the screening of police applicants. Hindi natin dapat hintayin na makapasok sila sa serbisyo bago natin matuklasan na hindi sila karapat-dapat magsuot ng uniporme. Habang aplikante pa lamang sila, kailangan na silang salain nang mabuti," ang pahayag ni NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan.

News Image #2


"I also call on our criminology schools, educators, the Professional Regulation Commission, and the community to help strengthen the recruitment pipeline. We must ensure that only those who are physically, mentally, emotionally, and morally fit are entrusted with the badge. We have to stop these incidents before they happen by preventing unfit individuals from entering the police service," dagdag pa nito.

Hinikayat rin ni Calinisan ang iba pang biktima ng hindi maayos na pagtrato o pag-uugali ng pulis na magreklamo ng direkta sa NAPOLCOM.

Sinabi rin ni Calinisan na nananatili ang kanilang tiwala sa mayorya ng kapulisan.

"Hindi ito laban sa Philippine National Police. Buo ang tiwala namin sa napakaraming matitinong pulis na tapat na nagsisilbi sa bayan. Ang laban natin ay laban sa iilang scalawag na sumisira sa dangal ng kanilang hanay. Sa kanila, malinaw ang aming mensahe: tigilan na ninyo ang pang-aabuso dahil hahanapin namin kayo at pananagutin sa ilalim ng batas. At sa ating mga kababayan, bukas ang NAPOLCOM upang makinig, umaksyon, at tiyaking mananaig ang hustisya."

(Mga larawan ng NAPOLCOM)