Nagtaas ng 0.25% sa buwis sa real property ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig.

Ang pagtataas na inaprubahan ng Konseho ng Taguig ay epektibo ngayong Enero 2026 base sa inaprubahang Ordinance No. 28 o ang "Ordinance Revising Basic Rates of Levy for the Real Properties within the Territorial Jurisdiction of Taguig City," na inaprubahan noong Disyembre 15, 2025.

News Image #1


Sa ilalim ng bagong ordinansa, na inisponsor ng 24 na Konsehal, Sangguniang Kabataan president at Liga president, kinakailang magbayad na ang mga may-ari ng lupa sa Taguig ng sumusunod simula Enero 1, 2026:

* Residential - 1.25 percent, mula sa dating 1%
* Agricultural - 1.25 percent, mula sa datint 1%
* Commercial - 1.75 percent, mula sa dating 1.5%
* Industrial - 1.75 percent mula sa dating 1.5%
* Special - 1.75 percent, mula sa dating 1.5%

Magbabayad din ng dagdag na 1% para sa Special Education Fund (SEF).

News Image #2


Nilinaw rin ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig na ang mga nagbayad ng Real Property Tax (RPT) para sa Tax Year 2026 bago mag-December 30, 2025 o sa mismong araw na iyon, at nabigyan na ng diskwentong 20% dahil sa kanilang advance payment sa ilalim ng Ordinance No. 100, Series of 2005, subalit kinulang ang bayad dahil sa na-adjust na tax rates epektibo ngayong 2026, ay makakakuha pa rin ng 20% diskwento para sa kanilang balanse, subalit kailangang mabayaran ito ng buo bago o sa mismong Marso 31, 2026.

Ito naman ang unang pagkakataon na nagtaas ng buwis sa real property ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig simula noong 1993.

Nakasaad sa ordinansa na "in 1990, there were only 266,637 registered Taguigenios; however, as of 2024, the population of the City of Taguig has grown to approximately 1,308,085 residents; and this rapid and sustained increase in population has significantly heightened the City's responsibility to deliver essential public services, programs, and infrastructure to meet the needs of its constituents."

Sinabi ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig na ang mga dagdag na kita mula sa buwis sa real property ay gagamitin para sa mga bagong programa at proyekto na magpapalawak, magpapaganda at magpapanatili sa mga kasalukuyang proyekto tulad ng pampublikong ospital at health facilities, pagpapaunlad ng medical assistance programs, pagpaparami pa ng papaaralin, pagpapaunlad ng public safety at traffic management at para sa paghahanda sa sakuna.

(Mga larawan ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig)