Posibleng ang Biyernes Santo sa taong ito ang kahuli-hulihang pagpapapako sa krus ng 64 na taong gulang na karpinterong si Ruben Enaje sa San Pedro Cutud, San Fernando, Pampanga.

News Image #1


Ayon kay Enaje na gumaganap na Kristo sa re-enactment ng pagpapapako sa krus sa Kalbaryo, hindi na kaya ng kanyang katawan ang sakit ng pagpako at init ng panahon.

"Mainit po yung kamay ko sa ngayon. Nagbabadya na titigil na ako. Noong mga nakaraang taon, wala akong nararamdaman na init sa mga sugat, baka mawala na itong sakit ng paa at kamay. Sa balikat, nandito pa. Ang pinakamasakit po ay yung nahilo ako doon sa daan," ang pahayag ni Enaje sa mga miyembro ng media na sumaksi sa pagpako rito noong Abril 18, 2025 ng alas 3:00 ng hapon.

News Image #2


Ika-36 na taon nang nagpapapako sa krus si Enaje sa San Pedro Cutud bilang bahagi ng tradisyon sa Semana Santa.

Ang tagapagmana ni Enaje sa pagpapapako na si Arnold Maniago, 46 na taong gulang, ay nagpapako naman sa ika-22 pagkakataon.

Ang pagpapapako sa krus ni Enaje at ng 10 iba pa sa Pampanga ay bahagi ng isang matagal nang tradisyon sa probinsya na isinasagawa ng mga debotong nais humiling, magsisi sa kasalanan o magpasalamat sa Diyos.

(Screenshots mula sa video ng PTV)