Hawak pa ang baril at nasa bulsa naman ang granada nang mahuli ng Taguig City Police ang isang 36 na taong gulang na lalaki sa Barangay Western Bicutan, Taguig City kahapon ng madaling araw, Hulyo 7, 2026.

Bandang alas 4:50 ng madaling araw, namataan ng mga pulis ng Taguig Sub-station 2 si alyas Marc sa kanto ng C5 Access Road at PNR Site na hawak ang isang baril habang sinisipat-sipat ito.

Lumapit ang mga nagrorondang pulis at hiningan si Marc ng mga dokumento kaugnay ng dala nitong baril.

News Image #1


Walang naipakita ang suspek na anumang lisensya sa baril kaya't agad itong inaresto. Nang kapkapan, nakuha rito ang isang hand grenade sa bulsa ng shorts nito.

Nakumpiska kay alyas Marc ang isang Taurus PT92 AFS caliber 9mm pistol na walang serial number, isang magazine, tatlong bala ng 9mm, and isang granada na may markang "RFX55."

Si alyas Marc ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Republic Act No. 9516, o ang illegal possession of explosives.

Sumasailalim ngayon sa ballistic examination at beripikasyon ang nakumpiskang baril upang alamin kung ito ay nagamit sa krimen.