Tinanggal sa puwesto ang siyam na pulis ng Taguig City Police Substation 5, kasama ang kanilang commander, habang iniimbestigahan ang diumano ay pananakit ng mga pulis sa ilang residente na sinilbihan ng warrant of arrest sa Barangay Napindan, Taguig City, na nakuhanan ng CCTV at nag-viral.



News Image #1

(Screenshot mula sa video ni Li Miko)

Pansamantalang itinalaga sa Admin Holding Station ng Taguig City Police Station at ipinasuko ang kanilang mga baril habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pangyayari.

Sa isang pahayag na ipinalabas ng Taguig City Police, tiniyak nitong may mananagot lalo na at hindi nila pinapayagan ang anumang uri ng pang-aabuso ng kanilang mga pulis.



"The Taguig City Police reiterates its firm commitment to upholding justice and ensuring that all police operations adhere to the Revised Philippine National Police Operational Procedures. Officers have been reminded of the proper protocols concerning searches, arrests, and the handling of minors in police operations to guarantee that the rights of every citizen are protected. Any violation of these principles will not be tolerated, and appropriate legal action will be taken against those responsible," ang nakasaad sa pahayag ng Taguig City Police.

[Photo2]
(Larawan ng Taguig City Police)

Ayon naman kay Police Brig. General Manuel Abrugena ng Southern Police District, aaksyunan nila agad ito upang matiyak ang patas na imbestigasyon.

"The Southern Police District assures the public that due process will be strictly followed, and if warranted, appropriate disciplinary actions will be instituted. The PNP remains unwavering in its mission to uphold law, integrity and public trust."

Ang pagkakasibak sa 9 na pulis ng Taguig City Police Substation 5 ay bunga ng isang video footage na ibinahagi ni Cloe Amore kung saan nakitang nagsasagawa ng pagsisiyasat at diumano ay pananakit ang mga pulis sa mga residenteng inaaresto ng mga ito sa Barangay Napindan, Taguig City noong Linggo.


Nakita sa isang video na nakahiga ang isang lalaki sa daan na kalaunan ay binuhat patungo sa sasakyan ng mga pulis.

Sa post naman ng isang Li Miko na nagbahagi ng 3 videos ng pangyayari, sinabi nitong tinangka diumano ng mga pulis na burahin ang lahat ng mga video sa CCTV subalit may nakalusot pa rin at naibahagi ito sa social media. Ipinabura rin diumano ng mga pulis ang post ng barangay ukol sa pangyayari.

Sinabi naman ng Taguig City Police na kung may ganitong pangyayari, maaaring tumawag ang mga nais magsumbong sa Taguig PNP Hotline na 09985987932 o 8642-3582 at sa kanilang opisyal na Facebook Page na Taguig City Police Station.